BACOLOD CITY – Pinadi-dismiss sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang bise alkalde at pitong empleyado ng bayan ng Valladolid, Negros Occidental.
Sa order na ipinalabas ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, si Vice Mayor Romel Yogore na nagsisilbing mayor noong isinampa ang kaso, ay guilty sa kasong grave misconduct and dishonesty.
Kasama nito sina municipal agriculturist Giovanni Robles at mga miyembro ng Bids and Awards Committee na sina Joseph Alfonso Manayon, Ernesto Genobis, Daisy Galve, Cherryl Aguirre, Merlene Magbanua at Ramonito Amazona.
Ang nabanggit na kaso ay nag-ugat sa pag-award ng kontrata noong 2009 para sa pagsasaayos ng mechanical grain dryers sa isang kontraktor na hindi dumaan sa hustong bidding at pagbili ng palay seeds na walang authority mula sa Sangguniang Bayan kaya’t sila ay napatunayang guilty sa paglabag sa Republic Act 7610 (Local Government Code of 1991).
Kung wala na ang mga ito sa serbisyo, sila ay magbabayad ng multa na katumbas ng isang taong sahod.